Daga na expert sa paghahanap ng landmine sa Cambodia, pinagretiro na

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2021 03:45 PM

PHNOM PENH, Cambodia - Pinagretiro na ang isang African pouched rat na si Magawa matapos ang ilang taon na paghahanap ng mga landmine sa Cambodia, sabi ng kaniyang mga employer. 

Nakaamoy ng 71 landmines at 38 iba pang pampasabog ang daga sa 5 taong pagtutunton nito ng mga landmine sa 225,000 square meter na lupa.

Kinukutkot ni Magawa ang lupa bilang hudyat na may landmine sa lugar. Hindi naman siya ganoong kabigat para makapagpasabog ng mga landmine. 

Setyembre 2020 nang parangalan si Magawa ng katumbas ng highest civilian honor for bravery para sa mga hayop sa Britain sa kaniyang kakayahang maghanap ng mga landmine at iba pang pampasabog. 

Si Magawa rin ang kauna-unahang daga na nakatanggap ng PDSA medal sa 77 taon ng parangal. Kasama nito ang ilang pusa at aso, maging ang isang kalapati. 

Minabuti naman ng Belgian charity APOPO na pagpahingahin na ang daga dahil nakikita nilang napapagod na ito. 

“The best thing to do is retire him,” ani APOPO-Cambodia program manager Michael Heiman sa Agence France-Presse. 

Ayon kay Helman, mas may oras na ngayon si Magawa na kumain ng paborito nitong mga saging at mani. 

Milyon-milyong landmine ang inilatag sa Cambodia mula 1975 hanggang 1998, bagay na ikinamatay ng higit 10,000 katao. 

Ayon sa APOPO, may dumating na 20 daga mula Cambodia na nakatanggap ng accreditation mula sa mga awtoridad na magsagawa ng landmine detection work.

Pero aminado ang APOPO na magiging mahirap na sundan ang yapak ni Magawa. 

— Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

MGA KAUGNAY NA VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC