PatrolPH

Mayaman na driver sa Finland pinagmulta ng P7.2 million dahil sa speeding

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2023 01:27 PM

Matinding multa ang sinapit ng isang mayaman na driver sa Finland matapos siyang pagbayarin ng €121,000 (P7.2 million) dahil sa paglabag sa speed limit. 

Sa Finland, inaayon ang multa sa laki ng kita ng salarin. 

Ayon sa driver na si Anders Wiklöf, binagalan na niya ang andar ng kanyang sasakyan dahil papasok na siya sa isang 50 kph zone. Ayon naman sa pulisya, nasa 82 kilometers per hour ang takbo ng sasakyan ni Wiklöf nang siya'y mahuli. 

Higit pa sa multa, suspendido din ang lisensiya ni Wiklöf ng 10 araw. 

"I really regret the matter," ani Wiklöf sa panayam sa Nya Aaland, ang pangunahing dyaryo sa Aaland Islands, isang autonomous region ng Finland sa Baltic Sea.

Dagdag niya, sana ay mapunta ang pera sa health care.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nahuli si Wiklöf dahil sa paglabag sa speed limit sa Finland. 

Noong 2013, sumikat si Wiklöf matapos magbayad ng 95,000 euros (5.7 million) na multa dahil din sa sobrang bilis magpatakbo ng sasakyan. 

Noong 2018, inulit niya ulit ang violation at nagbayad ng €63,680 (P3.8 million) na multa. 

Si Wiklöf ay tinaguriang pinakamayamang residente ng Aaland. Siya ay chairman ng isang kumpanya na may hawak sa iba't ibang negosyo sa logistics, helicopter services, real estate, trade at tourism. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.