Pagkabit ng internet sa kalawakan inakalang alien invasion, UFO

ABS-CBN News

Posted at May 25 2019 08:10 PM | Updated as of May 25 2019 08:53 PM

Tinadtad ang isang Dutch website ng mga umano'y ulat na mayroong unidentified flying object na dumaraan sa kalangitan ng Netherlands nitong Biyernes.

Ngunit nauwi umano ito sa maling akala nang madiskubreng mga Starlink satellite lamang ito ng rocket na SpaceX, pakana ng bilyonaryong si Elon Musk na layong maglagay ng Internet sa kalawakan.

Aabot sa 150 ulat ang nakuha ng website na www.ufomeldpunt.nl, na nagtatala umano ng mga insidente ng mga UFO sa bansa, mula sa iba't ibang online user na inakalang namumurong alien invasion ang nangyari.

"There's a long line of lights. Faster than a plane. Huh?" ayon sa isang nakakita.

May ilan namang nagulantang, gaya ng isang user na napa-mura na lang sa kaniyang nakita.

Inakala naman ng ilan na pag-aatake ng Russia sa Estados Unidos ang mga umano'y UFO.

Nagsimula ang mga insidente nang pakawalan ng SpaceX Falcon 9 ang isa sa kanilang mga rocket sa Florida sa Estados Unidos noong Biyernes.

Makalipas noon ay napakawalan ang mga satellite sa nasa loob ng rocket. Kinalauna'y naghiwalay ang mga satellite para mapunta sa kani-kaniyang posisyon.

Sa kabila ng pangamba ng ilan, may mga tagasubaybay, gaya ni Marco Langbroek na nakakaalam sa nangyayari patungkol sa mga umano'y misteryosong ilaw.

"I cheered them on, the moment they appeared," aniya.

-- Isinalin mula sa ulat ng Agence France Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.