Abangers: Nancy Binay, hinahanap si Thanos

ABS-CBN News

Posted at May 09 2018 12:29 PM | Updated as of May 09 2018 12:53 PM

MANILA - Tila sumasakay sa Avengers: Infinity War bandwagon si Senador Nancy Binay nang mag-post siya ng litrato sa kaniyang social media account.

Sa ibinahagi niyang litrato sa Twitter, parang nagaabang ang senadora sa isang lugar kung saan matatanaw rin ang tanyag na Banaue Rice Terraces sa Ifugao.

"Andito kaya si Thanos?" pagmumuni-muni ni Binay sa kaniyang post noong Mayo 5.

Ang binabanggit niyang si Thanos ay ang mabangis na kontrabida sa Avengers: Infinity War ng Marvel.

Ang American actor na si Josh Brolin ang gumanap bilang Thanos sa pelikula.

Bagama't akma sa pelikula ang kaniyang litrato, ang naging tunay na pakay ni Binay sa Ifugao ay para pasalamatan ang munisipalidad ng Mayoyao sa Ifugao sa pag-ampon sa kaniya bilang anak.

"Proud to be called 'Magkhuleng' - adopted daughter of Mayoyao Ifugao. Maraming salamat sa mga taga #MayoyaoIfugao sa mainit na pagtanggap," sabi ng tweet ni Binay.

Ilang beses na ring tinuligsa sa social media ang senadora sa pamamagitan ng meme, lalo na suot nito tuwing panahon ng State of the Nation Address o SONA, pero 'di naman siya natitinag.

Sa kabila nito, positibo ang pananaw ng senador sa lahat ng kaniyang bashers.

Minsan pa ay inuunahan na niya ang mga basher sa pagkutya sa kaniya tulad ng hashtag niyang #nognogpamore sa kanilang litrato ng summer outing kasama ang pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.