Couple sa border ng Iloilo at Capiz ikinasal matapos magkahiwalay noong lockdown

ABS-CBN News

Posted at May 05 2020 06:39 PM

TAPAZ, Capiz – Isang kasalan ang ginanap sa border control checkpoint sa bayan na ito noong Lunes sa pagitan ng magkasintahan na pinaghiwalay ng lockdown. 

Parehong taga-Capiz sina Elyn Fuyunan-Garino at Brian Garino, na apat na taong magkasintahan.

Pero dahil sa lockdown, nahiwalay si Brian matapos itong matalaga sa Dingle, Iloilo dahil sa kaniyang trabaho. 

Paliwanag ni Elyn, gusto sana niyang ikasal bago ang nakatakdang panganganak sa Mayo 24. 

"Ang mahalaga maikasal kami. Masaya akong kasal na kami," ani Elyn.

Si Tapaz Mayor Roberto Palomar ang nagkasal sa dalawa.

Sa wedding, naipatupad ang physical distancing at nakasuot din ng face mask ang couple. 

Hindi rin naghalikan ang couple sa halip ay nagtitigan lang sila para maipadama ang pagmamahal sa isa't isa.

Wala ring ginanap na reception. 

Hangad ng couple na maikasal sila sa simbahan matapos ang lockdown.  –Ulat ni Cherry Palma, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.