PatrolPH

TINGNAN: Relief goods na itlog, napisa, mga sisiw lumabas

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 09:11 AM | Updated as of Apr 23 2020 08:45 PM


SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan - Nagkaroon ng mga alagang sisiw ang isang teacher sa lungsod na ito matapos mapisa ang mga itlog na kaniyang nakuha bilang relief aid sa gitna ng lockdown ng buong Luzon para mapigil ang COVID-19 pandemic. 

Kuwento ni Irene Villanueva-Baniqued ng Andres Bonifacio Elementary School, sinabihan siya na itlog ng itik ang mga nasa relief pack. Dahil mahilig aniya siya sa balut, itinabi muna niya sa food warmer ang ilan sa mga itlog habang niluto niya ang iba. 

Watch more on iWantTFC

Nagulat na lang aniya siya nang makarinig ng mga huni mula sa naturang lalagyan makalipas ang isang linggo. Dito na niya nakita ang 7 sisiw at nadiskubreng itlog pala ng manok ang mga nasa relief goods. 
 

Ikinuwento rin ng guro na nakaranas siya ng emotional stress dahil sa COVID-19 at nagpapasalamat siyang nagkaroon siya ng bagong pagkakaabalahan dahil sa mga sisiw. 

"Nag-pray ako sa Lord, teach us the good attitude towards this pandemic kasi kung magiging pangit attitude ko, parang lalong mas bibigat ‘yung sitwasyon," sabi niya sa panayam ng DZMM. 

"Nakikita naman po ng Lord ang pinagdadaanan natin, at siya nakakalaam at plano kung kailan matatapos po ito," dagdag niya.

Naka-lockdown ang buong Luzon hanggang Abril 30. Magpapasya si Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Huwebes kung muling pahahabain ang community quarantine. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.