Bigo sa pagluto? Mga kapalpakan sa kusina tampok sa Facebook group sa Vietnam

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2020 03:32 PM

Mga nasunog na tinapay, gumuhong cake, at hindi makain-kain na patatas — ilan lamang iyan sa mga kapalpakan sa kusina na ibinabahagi online ng mga Vietnamese na nananatili sa kanilang mga tirahan sa gitna ng coronavirus pandemic.

Nauso kamakailan sa social media ang mga nakakaakit na retrato ng mga nakakatakam na pagkaing inihanda ng mga taong naka-lockdown.

Pero sa Vietnam, naisip ni Dinh Duc Thanh na bumuo ng Facebook group para maipakita ng mga tao ang mga kabiguan nila sa pagluluto.

"We should also have some place where people can share their failures so that people feel more comfortable being themselves," ani Thanh, isang 37 anyos na videographer sa lungsod ng Hanoi.

(Dapat may lugar tayo kung saan puwedeng ipakita ng mga tao 'yong mga pagkabigo nila para mas maging kumportable sila sa mga sarili nia.)

Sinimulan ni Thanh ang grupo noong nakaraang linggo. Noong Huwebes, umabot na sa higit 800,000 ang miyembro nito.

Tampok sa grupo ang mga retrato ng mga sunog na kawali at mga anak na ayaw kainin ang mga niluto ng kanilang mga magulang.

Isa sa mga miyembro ng grupo si Huynh Nguyen Hoang Quyen na nag-post ng retrato ng bumagsak na green cake.

"I made a birthday cake for my sister using a rice cooker and this is the result," sabi niya sa post.

(Gumawa ako ng cake para sa kapatid ko gamit ang rice cooker at ito ang resulta.)

Ibinahagi naman ni Nguyet Trinh ang retrato ng mga nangingitim na fried potatoes.

"I made this following an online tutorial but I really don't know how things ended up like this," sabi niya.

(Sinundan ko ang isang online tutorial sa paggawa nito pero hindi ko alam kung paano nauwi sa ganito.)

"I don't know how to cook," aniya.

(Hindi ako marunong magluto.)

Sa ngayon, may 268 COVID-19 cases sa Vietnam.

-- Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.