Lalaking nagkamali sa pagboto, tinaga ang daliri

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2019 07:58 PM | Updated as of Apr 20 2019 12:41 AM

Kasalukuyang ginaganap ang national election ngayon sa India. Anushree Fadnavis, Reuters

NEW DELHI, India—Isang lalaki sa India ang tinaga ang kaniyang sariling daliri sa sobrang pagkadismaya matapos niyang matuklasang nagkamali siya sa binotong partido noong Huwebes.

Kinilala ang lalaki bilang si Pawan Kumar.

Sa kaniyang in-upload na video sa social media, sinabi ni Kumar na nalito siya sa mga simbolo sa balota kaya binoto niya ang partido ni Prime Minister Narendra Modi na Bharatiya Janata Party, imbes na ang sinusuportahan niyang kalaban nitong regional party sa Uttar Pradesh state na Bahujan Samaj Party.

Kasalukuyang ginaganap ang national election ngayon sa India.

Simbolo ang ginagamit bilang pagpipilian ng mga botante. Isang lotus ang simbolo ng Bharatiya Janata Party habang elepante naman ang sa Bahujan Samaj Party.

"I wanted to vote for elephant but it went to flower," sabi ni Kumar sa video.

Matapos malaman ang kaniyang pagkakamali, dali-daling umuwi si Kumar at tinaga ang kaniyang hintuturo. Sa hintuturo kasi inilalagay ang indelible ink matapos bumoto.

Gayunpaman, sinabi ni Kumar na hindi siya pinilit ng partido na gawin ito sa kaniyang sarili.

—Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.