Binata, dalawang beses nanghalay ng baka

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2019 07:54 PM

ZAMBOANGA CITY - Isang 19 anyos na lalaki ang inimbitahan ng mga opisyales ng barangay Salaan sa Zamboanga city, matapos umano nitong halayin ang isang baka noong Sabado ng umaga.

Napansin ni Alih Tawakal, caretaker ng baka, na nawawala ang isa sa kaniyang mga alagang hayop.

Nakita ni Tawakal ang kaniyang alagang baka sa ilalim ng isang punong mangga habang hinahalay ng isang binata.

Sinigawan niya ang binata at kumaripas ito ng takbo nang hubo't hubad.

Nagsumbong si Tawakal sa kaniyang amo, na siya namang nag-report sa barangay.

Agad namang inimbitahan ni Salaan Barangay Chairperson Bobby Francisco ang binata sa opisina ng barangay para sa ilang katanungan.

Sa kanilang pag-uusap, inamin naman ng binata ang kanyang ginawang panghahalay sa baka.

Pero hindi na nagsampa ng kaso ang may-ari ng baka laban sa binata, kahit ito na ang pangalawang beses na hinalay ng binata ang kaniyang mga alagang baka.

Nangyari umano ang unang panghahalay ilang taon na ang nakalilipas.

Sa panayam sa tatay ng binata, sinabi nito na inamin ng kaniyang anak ang panghahalay sa baka.

Wala umano sa tamang pag-iisip ang kaniyang anak, kaya niya ito nagawa.

Grade 2 lang ang natapos ng binata at wala na itong interes na magpatuloy sa kaniyang pag-aaral.

Ayon naman sa isang psychologist ng College of Liberal Arts ng Western Mindanao State University na si Professor Clarissa Miranda, hindi normal na magkaroon ng sexual desire ang isang tao sa isang hayop.

Tinatawag itong bestiality.

Dagdag pa ni Miranda, maraming dahilan kung bakit nagkakaroon ng sexual desire ang isang tao sa isang hayop. Isa na dito ay kakulangan sa edukasyon, maling paniniwala tungkol sa sex at kakulangan ng suporta mula sa pamilya.

Ayon kay Miranda, hindi dapat kutyain at pagalitan ang isang zoophile o taong gustong makipagtalik sa hayop.

Sa halip, makakatulong ang pakikipag-usap sa kaniya ng mga magulang at kaibigan at bigyan ng sapat na tamang impormasyon at edukasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.