PatrolPH

2 lalaki nag-badminton sa gitna ng matinding traffic sa NLEX

Bayan Mo, Ipatrol Mo

Posted at Apr 11 2023 05:20 PM


Marami ang naipit sa gitna ng mabigat na trapiko sa NLEX northbound noong Semana Santa, kabilang na ang pamilya ni Bayan Patroller Nays Martin Baoec. 

Imbes na mainip, nagkaroon sila ng pampa-good vibes dahil sa ginawang paglalaro ng badminton ng dalawang lalaki sa gitna ng trapiko noong Linggo, April 9, pasado alas-4 ng hapon. 

 

Sa pinadalang video ni Bayan Patroller Nays, makikita kung papaano naglaro ng badminton ang dalawang lalaki na sina Wilfred Zamora Jr. at Arjay Fusilero sa gitna ng kalsada. 

Kuwento ni Bayan Patroller Nays, natuwa sila dahil imbes na uminit ang kanilang ulo at mainip sa mabagal na daloy ng trapiko, nagkatuwaan ang lahat dahil sa hindi inaasahang paglalaro ng dalawa. Aniya, galing silang Taguig at papuntang Ilocos nang maipit sila sa trapiko. 

Ayon naman sa panayam ng BMPM kay Wilfred Zamora, nainip sila ng kanyang kasama na si Arjay. Dagdag pa niya, nasa 10 minuto kasing hindi gumagalaw ang kanilang sasakyan dahil sa nangyaring sunog sa unahan ng NLEX, kaya nila naisip na maglaro na lang muna ng badminton para mapawi ang kanilang inip, sakto naman aniya na may dala din silang racket at shuttlecock sa likod ng sasakyan. 

Kuwento ni Wilfred, galing sila ng Laguna upang magbakasyon at pauwi na ng Baguio noong naipit sila sa trapiko. Aniya, nagtagal sila ng higit kumulang 20 minuto sa paglalaro. 

Maririnig din sa video na natuwa rin ang ibang mga naipit sa trapiko dahil sa ginawang pakulo nina Arjay at Wilfred. Naging viral din ito sa Facebook na ngayon ay may 7,900 reactions, 491 comments at 6,000 shares. 

Sa isang pahayag, sinabi ng Metro Pacific Tollways Corporation na nangyari ang insidente nang magkaroon ng vehicular fire incident sa Candaba Viaduct. 

Anang MPTC, hindi ligtas ang ginawa ng dalawa, at dapat sisitahin nila ang mga ito kung hindi lang tutok sa pagresponde sa LPG tanker ang mga enforcer. 

"We immediately closed the lanes near the burning tank truck for the safety of motorists. When the traffic was at full stop these motorists alighted from their vehicles and did these unsafe acts.They would definitely be stopped had we seen them but our personnel were focused on responding to the emergency situation to ensure everyone's safety," anila.

Paalala naman ng MPTC sa mga motorista, sumunod sa batas-trapiko para sa sariling kaligtasan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.