Pinakamahabang kuko sa mundo, ipinaputol matapos ang halos 3 dekada

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2021 08:39 PM

Pinakamahabang kuko sa mundo, ipinaputol matapos ang halos 3 dekada 1
Pinaputol na ni Ayanna Williams ang kaniyang mga kuko. Galing mula sa Instagram ng Guinnes

Bata pa lamang si Ayanna Williams na mula sa Houston, Texas, nakahiligan na nito na pintahan o kulayan ang kaniyang mga kuko sa kamay kaya naman sa loob ng halos tatlong dekada, hindi niya pinutol ang mga ito.

Kaya naman makalipas ang 28 taon nang pagpapahaba ng kuko na nagluklok sa kaniya sa Guinness Book of World Records bilang babaeng may pinakamahabang kuko sa buong mundo, magkahalong lungkot at saya ang nararamdaman ni Williams sa desisyong putulin na ito. 

Sa isang video na inilabas ng Guinness, makikitang pinabawasan na ni Williams ang kaniyang makukulay na kuko na umabot sa higit 24 talampakan o nasa 733 sentimetro. 

Dahil sa haba ng mga ito, hindi nailcutter ang ginamit ni Dr. Allison Readinger ng Trinity Vista Dermatology kung 'di electric rotary tool upang isa-isang putulin ang mga kuko ni Williams. 

"I’ve been growing my nails for a few decades now. I’m so, so ready for a new life. I’m know I’m going to miss them, but it’s just about that time – it’s time for them to go," ani Williams, na hinawakan ang world record mula noong 2017. 

Watch more on iWantTFC

Nang makuha ang rekord apat na taon na ang nakalilipas, nasa 18 feet 10.9 inches na ang haba ng mga ito at ginagamitan niya ng dalawang bote ng nail polish upang pagandahin habang umaabot sa 20 oras ang tagal ng kaniyang manicure. 

Nitong nakaraan lamang, umabot sa hanggang 4 na nail polish ang nagamit ni Williams para sa kuko na inayos sa loob ng ilang araw. 

Ngunit sa kabila ng kakaibang sitwasyon, unti-unti na ring nahirapan si Williams sa pang-araw-araw na gawain dahil sa kaniyang mga kuko katulad ng paghuhugas ng pinagkainan at pag-aayos ng higaan. 

"With my movements I have to be very, very careful. So usually in my mind I’m already preparing for the next step that I have to do to make sure that I don’t hurt myself with my nails -- or break them,” tugon ni Williams.

“I’m excited about cutting my nails because I’m looking forward to new beginnings."

Umaasa naman ang Amerikana na susundan ng kaniyang mga apo ang kaniyang ginawa. Ang mga tinanggal na kuko kay Ayanna ay ilalagay sa museo ng Ripley’s Believe It or Not sa Orlando, Florida. 

"It’s gonna be awesome. It’s going to be a like a wax of myself even though it’s just my nails. I can’t wait to see that, for real. I’m going to be grinning from ear to ear. Just really think about it, it’s amazing,” pahayag nito. 

"With or without my nails, I will still be the queen. My nails don’t make me, I make my nails!"