Isang lalaki sa Batangas ang nagpapako sa krus, na sinabayan niya ng panawagan sa pamahalaan. Retrato mula kay Greg Meer Horton
STO. TOMAS CITY, Batangas — Hindi napigilan ng pandemya ang panata ni Greg Meer Horton, 57, sa pagpapapako sa krus na kaniyang ginawa ulit Martes ng umaga sa bayang ito.
Ani Horton, naunsyami noong nakaraang taon ang panata niya dahil sa pandemya. Kaya pinilit niya itong gawin ngayong taon.
Walong taon na umano niya ito ginagawa kasama ang kaniyang grupo.
Sabi niya, ang pagpapapako sa krus ay paraan niya para mapansin ng mga kinauukulan ang kaniyang panawagan.
"Ito po ang gusto kong iparating sa kinauukulan: Magsakripisyo po tayo... Lalo sa kinauukulan, mag-sacrifice po tayo. Isakrispisyo natin yung sarili nating interes para sa kapakanan ng lahat," sabi ni Horton.
Nais ring manawagan ni Greg sa pamahalaan na itigil na ang aniya'y talamak na korapsyon, lalo na sa gitna ng COVID-19 pandemic.
"Kasi kung meron tayong magandang solusyon sa COVID, hindi po tayo magsa-suffer, yung mga tao," aniya.
Hindi sakop ang Batangas sa tinatawag na NCR Plus bubble, kung saan ipinapatupad ang enhanced community quarantine upang makontrol ang pagdami ng nahahawahan ng coronavirus.
Ang pagpapapako sa krus ay ginagawa ng ilang namamanata tuwing Semana Santa.
—Ulat ni Andrew Bernardo
KAUGNAY NA BALITA MULA SA ARCHIVES
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, panata, Semana Santa, Holy Week, Batangas, COVID-19 Semana Santa