10-talampakang buwaya nahuli sa Iwahig Penal Farm

Lynette Dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2019 03:56 PM

Nahuli sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) ang isang 10-talampakang buwaya. Larawan mula kay police Major Renante Anas

PUERTO PRINCESA -- Nahuli ng isang inmate ang isang 10-talampakang buwaya sa maliit na sapa sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa lungsod na ito, Linggo ng madaling-araw.
 
Nagpaalam ang inmate na maglagay ng bitag para mahuli ang naturang salt water crocodile sa paghihinalang ito ang namemerwisyo sa mga alagang pato at pabo sa lugar.

Ito ang unang buwayang nahuli sa penal farm, ayon sa Palawan Council for Sustainable Development.

Posible anilang galing sa ibang lugar ang buwaya at dumayo sa penal farm dahil sa mga alagang hayop doon. Inaalam pa anila kung may kasama itong iba pang buwaya.

Dinala sa Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center ang buwaya para doon muna alagaan.

Noong 2011, nahuli sa Bunawan, Agusan del Sur ang 20.24-talampakang buwaya na si Lolong, na kinilala ng Guinness Book of World Records bilang "world’s biggest crocodile in captivity" hanggang mamatay ito noong 2013.

Nasa National Museum of Natural History ang katawan ng buwaya na dumaan sa taxidermy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.