NEW YORK - Pinalaya na ang isang preso sa US na nakulong ng mahigit 18 taon dahil sa kasong murder matapos mapag-alamang mali ang pagkakaaresto sa kanya dahil kapangalan niya ang isang suspek sa krimen.
Nasentensyahan ng 25-taon pagkakabilanggo si Sheldon Thomas dahil sa pagpatay umano kay Anderson Bercy, 14 anyos, sa isang drive-by shooting noong 2004.
Hiniling naman ng Brooklyn District Attorney na ipasawalang-bisa ang conviction laban kay Thomas matapos madiskubre ng conviction review unit na sinadya siyang ituro ng mga pulis base sa salaysay ng isang witness.
Ayon kay Brooklyn district attorney Eric Gonzalez, itinago ng mga pulis na maling tao ang kanilang inaresto.
"The defendant was arrested based on a witness identification of a different person with the same name -- a mistake that was first concealed and then explained away during the proceedings," ani Gonzalez.
Ayon sa imbestigasyon, sinabi ng witness na ang pumatay sa binatilyo ay si Thomas batay sa larawan ng iba pang Sheldon Thomas na galing sa police database.
Sa kabila ng misidentification, pinuntahan ng mga pulis ang maling Thomas sa kanyang bahay at inaresto siya.
Ayon kay Gonzalez, nalaman sa reinvestigation na layunin talaga ng mga detektib na arestuhin si Thomas gamit ang maling identification procedure.
Itinuro din ng witness ang maling Thomas sa isang police lineup, na nangangahulugang 2 magkaibang tao ang itinuro niyang suspek sa krimen.
Dahil sa kanyang salaysay, natagpuang may sala si Thomas sa krimen na second-degree murder at nasentensyahan ng 25 taon hanggang habambuhay na pagkakabilanggo.
Pumayag naman ang judge na palayain si Thomas base sa hiling ng Brooklyn District Attorney.
Pinatawad naman ni Thomas ang mga detektib, witness at prosecutors at pinasalamatan ang judge na pinawalang-sala siya.
"I've waited a long time," aniya.
Isinalin sa ulat ng Agence France-Presse
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.