4 na tutang may tig-2 paa, agaw-pansin sa Ilocos Norte

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2020 07:50 PM | Updated as of Mar 05 2020 09:24 PM

Photo by Lemuel Salvador, ABS-CBN News

SAN NICOLAS, Ilocos Norte--Agaw-pansin sa kanilang lugar ang apat na tuta na may tig-dalawang paa.

Suwerte kung ituring ni Emy Bonilla ang kaniyang mga alagang tuta.

Sa kabila ng kakulangan, nakakatayo at nakakalakad ang mga ito.

Noong Enero ipinanganak ang mga tuta. Anim silang sabay-sabay na ipinanganak. Isa sa kanila ang namatay, ang isa naman ay normal na may apat na paa, at ang apat ay may tig-2 paa.

Natutuwa man ang ilang kapitbahay sa itsura ng mga tuta, pero naaawa rin sila sa kalagayan nila.

Ito na ang pangatlong panganganak ng nanay ng mga tuta pero ngayon lang nagkaroon ng abnormalidad.

Ayon kay Dr. Loida Valenzuela, ang provincial veterinarian ng Ilocos Norte, maaaring nagkaroon ng problema sa kalusugan ang inang aso kaya nagkaroon ng abnormalidad ang mga tuta.

"Maraming factors 'yan, puwedeng sa nutritional during the development stage, puwede siya sa sakit, mechanical trauma or genetics kaya depende sa factor kung saan nag-undergo yung nanay at the time na nagbubuntis," paliwanag niya.

Sa ngayon, “suwertes tutas” muna ang ipinangalan sa mga tuta dahil naniniwala si Bonilla na nagdadala ng suwerte sa kaniya ang mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.