PatrolPH

Magkakapatid, pinanganak sa iisang petsa, pero magkaibang taon

Cielo Gonzales, Bayan Mo iPatrol Mo

Posted at Feb 22 2023 04:00 PM | Updated as of Feb 23 2023 12:00 PM

Good vibes ang dala sa social media ng post ng isang Mommy at Bayan Patroller na si Pamn Faye Hazel V. Cabañero mula sa Pangil, Laguna matapos niyang ibahagi ang kwento ng pare-parehong araw at buwan ng kapanganakan ng tatlong anak.

 

Sa mismong post makikita sa birth certificate ang parehong araw at buwan ng kapanganakan nina Maclean Herz (6 years old), Lady Lemon Faith (3 years old) at MacHerly Gold (3 weeks old).

Binansagan ni Bayan Patroller Pamn Faye ang kanyang mga anak bilang January 27 trio. Nasa tatlong taon ang pagitan ng bawat bata sa edad.

Sa panayam ng Bayan Mo,iPatrol Mo kay Bayan Patroller Pamn Faye at asawa niyang si Herbert Cabañero, ibinahagi nilang hindi nila akalain na tatapat sa parehong araw ang kaarawan ng kanilang bunsong anak.

Normal delivery si Bayan Patroller Pamn Faye sa lahat ng panganganak kaya mahirap talagang masabi ang eksaktong petsa kung kelan sila lalabas.

Makagayunman, pagbabahagi ng mag-asawa ay hiling ng panganay nilang anak na si Maclean na sana ay maging ka-birthday ang bunsong kapatid.

Palagi nga raw nitong kinakausap ang kapatid habang nasa sinapupunan ng kanyang ina.

Kaya naman masasabing wish granted ito dahil maging ang bunsong anak na si MacHerly Gold ay sa kaparehong petsa ng dalawang nakatatandang kapatid lumabas.

"Bigla nung nagce-celebrate po kami ng birthday dun sa school ni kuya ayun bandang hapon po nakaramdam siya na parang manganganak na siya," kwento ni Daddy Herbert

Bago lumabas ang bunsong anak na si MacHerly Gold ay sabay na nagdiriwang ng kaarawan sina Maclean at Lemon.

Ang siste ay dalawang kulay ang tema ng cake. Kaya ngayong tatlo na ang supling ang hirit ng mag-asawa ay mukhang makatitipid sila sa susunod na taon.

Napupusuan ng kanilang panganay na anak ang temang Disney movie na 'Frozen' dahil bida rito ang dalawang babae at siya ang magiging hari sa kanila kung sakali.

Labis ang kanilang pasasalamat para sa mga netizen na nagpapakita ng kaligayan para sa kanilang mga anak.

Para kay Bayan Patroller Pamn Faye, susulitin nila ang pagkakataong ito na habang bata pa sila ay sabay-sabay silang magdiriwang ng kaarawan.

"Sana po ay lumaki silang mabait syempre may paggalang sa kapwa... Maging mga bibo kids... Maging malusog lamang ang kanilang pangangatawan sa araw-araw ay napaka-bless na namin," pagbabahagi ni Bayan Patroller Pamn Faye.

Mensahe ni Daddy Herbert na sana maging sanggang-dikit ang kanyang mga anak habang buhay.

"Sana lumaki sila na laging magkakasama at hindi sila lagi mag-away. Magbuklod sila kagaya ng pagbuklod ng kapanganakan nilang tatlo na sana i-celebrate nila hanggang sa paglaki yung birthday nila ng sabay." pagtatapos ni Daddy Herbert.

Sa kasalukuyan ay mayroong 8.8k reactions 3.6k shares ang naturang post.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.