Babaeng ayaw mawalay sa bag, lumusot din sa X-ray scanner

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 08:30 PM | Updated as of Feb 16 2018 09:43 AM

Nag-viral ang video ng isang babaeng ayaw mahiwalay sa kaniyang bag at kasama itong lumusot sa X-ray security scanner ng isang istasyon ng tren sa Tsina.

Isang ginang sa Tsina ang sumama sa kaniyang handbag na lumusot sa X-ray security scanner ng isang istasyon ng tren dahil umano sa takot na siya ay manakawan ng pera.

Linggo nang makuhanan ng video ang hugis ng isang babae habang dumadaan ito sa loob ng X-ray machine sa isang railway station sa Dongguan, isang lungsod sa timog Tsina.

Nag-viral ang video at higit tatlong milyong beses nang napanood.

Makikita rin sa video ang pagkagulat ng ibang pasaherong nag-aabang ng kanilang gamit sa dulo ng conveyor belt nang lumabas sa makina ang babae.

Ayon sa mga ulat, nangamba umano ang ginang na manakaw ang perang nasa loob ng kaniyang bag.

Kaya sa halip na mawala ito sa kaniyang paningin ay sinakyan din niya ang conveyor belt at dumaan sa X-ray scanner.

Sinita ng maraming netizen ang mas pagbibigay-halaga ng ginang sa pera kaysa sa sariling kalusugan nang suungin nito ang makina. 

Mapanganib kasi umano sa kalusugan ang mga X-ray na nasa mga security scanner, na karaniwan sa mga istasyon ng tren at sakayan ng bus sa Tsina.

-- Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.