Ayaw na ng away: Magnanakaw sumuko sa pulisya para makatakas sa girlfriend

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 11:36 AM

Dahil pagod na sa away nila ng kanyang nobya, pinili na lang ng isang magnanakaw, na may isang taong nagtago sa pulisya, na magpakulong sa Warsaw sa Poland.

Valentine's Day piniling sumuko ng 34 anyos na lalaking hinatulan ng 17 buwan sa selda dahil sa pagnanakaw ng kotse. Pahinga mula sa nobya ang gusto ng pugante kaya ito nagpaaresto, ayon sa pulisya.

"He asked police to arrest him as he had had enough strife with his partner and of being in hiding. He said he was tired and needed a rest," sabi ng Warsaw police.

(Nagpaaresto siya sa pulisya kasi hindi na niya kaya ang hindi nila pagkakasundo ng kanyang partner at ang kanyang pagtatago. Sabi niya pagod na siya at kailangan niya ng pahinga.)

Higit isang taon makakapagpahinga sa selda ang magnanakaw. Pero may hanggang 3 oras kada buwan puwedeng bumisita sa kanya ang kanyang girlfriend.

--ulat mula sa Agence France Presse