Imbis na bulaklak, sibuyas, kamatis, sili, bawang, at iba pang gulay ang laman ng bouquet ng higit trentang babaeng kinasal sa libreng garden wedding sa Cavite City.
Ayon sa LGU ng Cavite City, pinili nilang maging praktikal at gumamit ng sibuyas kasama ng mga sari- saring gulay sa halip na mamahaling bouquet na nakasanayang gamitin tuwing may kinakasal.
"Praktikal lang tayo. Aanhin natin ang bulaklak kung after ng event itatapon lang. kaya boquet ngayon gulay na alam natin Napaka mahal na," ani Cavite City Mayor Denver Chua.
Malayo sa kinasanayang tradisyon at hindi rin magarbo pero ikinatuwa pa rin ito ng mga bagong kasal
"Napakamahal ng sibuyas kaya ok lang yun regalo samin. Share namin sa iba," ayon sa isa sa mga ikinasal na si Shirley Alfonso.
Pero bukod sa pwede nang igisang bouquet, lubos ang pasasalamat ng mga bagong mag-asawa tulad ni Lovely at Danilo Jocson na muling nagkaroon ng libreng mass wedding sa lungsod
Kwento ng bagong mag-asawa, matagal na nilang gustong magpakasal.
Ang problema, wala silang sapat na pera para masakatuparan ang plano.
"Gipit kasi. Nagpandemic pa. Masaya kami nabigyan kami pagkakataon ngayon," ani Lovely.
Sa Noveleta, Cavite, nasa halos trenta rin ang ikinasal sa mass wedding kahapon. Mayroon ding libreng handaan para sa mga ikinasal.
Ayon sa Noveleta LGU, libre ang gastos para sa mga requirements ng mga magpapakasal sa buong buwan ng Pebrero.
Lumalabas naman sa isang data na ngayong Araw ng mga Puso ang pinakapinipiling araw para magpakasal.
Mula 2008-2020, nasa 13,000 ang kinakasal ng February 14, at mayroon naman 347,000 ang nagdiwang ng anibersaryo nila ngayon araw.
Lumitaw din na civil wedding ang pinakapopular na seremonya ng kasal sa bansa at Calabarzon ang lugar na pinakadinarayong lokasyon para dito.
-- Ulat ni Anna Cerezo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.