Masyado kang matangkad: Ban sa 'matangkad' na basketbolista sa Korea tinanggal

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2019 11:42 AM

Tinanggal na ng pangunahing basketball league ng Korea ang kanilang umano'y kontrobersiyal na height limit, ayon sa kanilang mga opisyal ngayong Miyerkoles. 

Napagkasunduan ito sa board meeting ng Korean Basketball League (KBL) noong Lunes. 

Kinutya noong 2018 ang polisiya ng KBL na pagbawalang maglaro ang mga dayuhang atletang mas matangkad sa 200 centimeters, o anim na talampakan at anim na pulgada para maprotektahan ang mga lokal na atletang mas mababa ang tangkad. 

Bagay ito na ikinagalit ng mga fans nang mapilitang matanggal sa liga ang kanilang mga paboritong manlalaro gaya ng top scorer na si David Simon, na may tangkad na 201 centimeters. 

"We felt that the ban was outdated and there were many complaints about the league restricting the freedom of the teams," sabi ng isang opisyal sa Agence France-Presse.

"In the past, a player couldn't sign a contract if he didn't meet the requirement but now he can whether he is tall or short," dagdag niya. 

Pinapayagan nang maglaro ang dalawang dayuhang manlalaro sa liga. Ayon sa dating polisiya, dapat mas mababa sa 1.86 metro ang isang manlalaro at mas mababa sa 2 metro ang isa pang manlalaro. 

Nagpetisyon din ang daan-daang katao bilang pagprotesta sa polisiya.

Ayon sa ulat ng Yonhap news agency, may mga manlalaro na sinubukang magbuhat at mag-jogging sa pag-asang mas bumaba sila sa height limit dulot ng dehydration.

Aalisin ang ban sa 2019-2020 season ng liga. 

-- Salin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.