35 single employees ng isang munisipyo pinag-half day 'para maghanap ng date'

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2021 04:28 PM

RIZAL, Laguna - Maagang nakauwi nitong Huwebes ang nasa 35 empleyado ng munisipyo ng Rizal matapos maglabas ng Executive Order (EO) si Mayor Vener Muñoz. 

 

Sa panayam ng ABS-CBN News kay Muñoz, sinabi nitong "regalo" niya ito para sa kanyang mga single na empleyado sa Valentine's Day. 

"Nu'ng pumasok ako, natuwa lang ako kasi nakita ko 'yung mga binata at dalaga binibiro ko. Sabi ko magsiuwi na kayo at kayo ay magsipaghanap ng makaka-date nyo sa Valentine's. Sabi ko kay admin, totoohanin na natin, maglabas tayo ng EO para ang mga 'yan... Parang pa-Valentine's ko sa kanila," anang alkalde.

Kilala naman daw ng alkalde ang halos lahat ng kaniyang nasa 165 empleyado sa munisipyo. 

"Tatlong taon akong vice mayor, isang taong mayor kaya kilala ko sila. Kaunti lang naman sila. Alam ko ang binata, dalaga. Alam ko ang iniwan ng asawa," ani Muñoz.

Hiling naman ng alkalde para sa kaniyang empleyadong single pa rin na makahanap na sana sila ng makakasama sa buhay sa lalong madaling panahon. 

"Sana sa susunod na taon ay may mga kasama na sila sa buhay para lahat ay masaya," ani Muñoz. – Ulat ni Andrew Bernardo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.