Pagtsitsismis, pagsasampay ng underwear ipinagbabawal sa ilang barangay sa Baguio

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2019 03:26 AM | Updated as of Feb 10 2019 05:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

BAGUIO CITY - Bawal na ang pagtsitsismis at lantarang pagsasampay ng mga damit panloob sa ilang barangay sa Baguio City.

Sa Upper Rock Quarry, nagpasa ng ordinansa ang barangay para ipagbawal ang paninira sa kapwa o pagkakalat ng tsismis.

"Ang karamihan konting bagay lang inaakyat kaagad sa barangay. Karamihan ay tungkol sa tsismis kaya namin naisip na gawing ordinansa," ani Joey David, punong barangay ng Upper Rock Quarry.

Para kay Arci Cudlong, head ng social services committee ng barangay, tsismis ang dahilan sa pag-aaway ng mga kapitbahay sa kanilang lugar.

Sang-ayon naman sa bagong ordinansa si Divina Mae na nabiktima rin ng tsismis.

"Siyempre po naiinis, pero hayaan mo na. Hindi galing 'yung kinakain mo sa kanila," aniya.

Multang P300 hanggang P1,000 ang maaaring kaharapin ng mapatutunayang lumabag sa ordinansa. Uumpisahan itong ipapatupad sa Pebrero 16.

Samantala, bawal naman sa Barangay Holy Ghost Proper ang lantarang pagsampay ng mga damit panloob.

"Ang Holy Ghost Proper kasi malapit sa central business district kung saan maraming turista ang pumupunta," ani Eugene Yocogan, barangay kagawad ng lugar.

Sisingilin ng P300 multa ang lalabag sa ordinansa.

"Nakakahiya naman kapag may mga dumadaan tapos makikita 'yung mga underwear na butas-butas," pahayag ng isang residente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.