Patok na pagpapaputi ng ari, ikinababahala ng mga eksperto

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2018 10:42 PM

Sumasailalim sa penis-whitening procedure ang isang lalaki sa sa Bangkok. AFP

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambata ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.


Nagbabala ang mga eksperto sa nauusong serbisyo na pagpapaputi ng ari ng lalaki sa Thailand dahil sa mga komplikasyon na maaaring idulot nito sa pribadong parte ng katawan.

Matatandaang naging mainit sa Thailand ang nasabing serbisyo na iniaalok ng isang clinic sa Bangkok.

Ginagamitan ng laser whitening ang serbisyo na marami sa mga customer ay miyembro ng LGBTQ (lesbian, gay, bisexual, transgender, questioning, queer) community.

Ngunit ayon sa mga eksperto, maaaring hindi ligtas gamitin ang laser at mga pampaputing kemikal sa pribadong parte ng katawan dahil puwedeng magdulot ito ng pagkasunog o pagtigas ng balat, o di kaya'y mas maitim na ari.

"I think it should not be done in a patient that doesn't need it," ani Massimiliano Brambilla, isang plastic surgeon, sa panayam ng Agence France-Presse (AFP).

(Siguro ay hindi dapat gawin ito sa isang pasyente na hindi nangangailangan nito.)

"Most of the substances that are used to whiten...are quite aggressive," dagdag ni Brambilla.

(Karamihan sa mga sangkap na ginagamit sa pagpapaputi ay medyo matapang.)

Ayon naman sa plastic surgeon na si Fabien Boucher, wala pang produktong nalilikha para sa pagpapaputi ng sensitibong parte ng katawan.

Ang mga produktong ginagamit umano ngayon sa serbisyo ay para sa pagpapaputi ng balat sa katawan at mukha.

Aniya, mas manipis ang balat ng pribadong parte ng katawan kung ikukumpara sa balat ng mukha.

Nagbabala na rin ang Thai health ministry sa nauusong serbisyo, lalo na't maaaring makaapekto ito sa sekswal na kasiyahan bukod sa iritasyon at impeksyon.

--Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.