PatrolPH

Lalaking nagtangkang kumuha ng exam para sa sikat na football player inaresto

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2022 04:42 AM | Updated as of Feb 01 2022 11:41 AM

Isang lalaking Egyptian ang inaresto matapos magtangkang humalili sa isang propesyunal na football player para sa isang pagsusulit sa unibersidad.

Ayon sa ulat ng state media ng Egypt, isang lalaki ang nagtangkang kumuha ng pagsusulit kahalili ni Mostafa Mohamed na kasalukuyang nasa Cameroon kasama ang kaniyang koponan para sa Africa Cup of Nations.

Naka-rehistro si Mohamed para sana kumuha ng pagsusulit sa isang unibersidad sa Cairo, ngunit napansin ng isang opisyal na hindi siya ang kumukuha ng pagsusulit at nagsampa ng reklamo.

Ayon pa sa ulat, sinabi umano ng impostor na tinutulungan lamang niya ang kaibigang si Mohamed, at 3 beses nang kumuha ng pagsusulit para sa atleta.

Naging maingay sa social media sa Egypt ang insidente, lalo na't alam ng halos lahat sa bansa na kasalukuyang naglalaro sa Cameroon si Mohamed.

Inaalam pa ng awtoridad kung inutusan ni Mohamed ang impostor na kumuha ng pagsusulit para sa kanya, at kung ano ang magiging parusa para rito. — Isinalin mula sa artikulo ng Agence France-Presse

MULA SA ARKIBO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.