Pinalagay ni Jojo Pasia sa isang t-shirt ang kaniyang vaccination card dahil nakakapagod na raw na ilabas ito tuwing papasok siya ng isang establisimyento. Jojo Pasia
Ipinaimprenta ng isang negosyanteng lalaki sa Lipa City, Batangas sa kanyang t-shirt ang kanyang vaccination card dahil nakakapagod na raw na ilabas ito tuwing papasok siya ng mga establisimyento.
Ini-scan ni Jojo Pasia ang kanyang vaccination card at inimprenta sa t-shirt ang likod at harap nito. Sinusuot niya ang kanyang vaccination t-shirt tuwing pupunta sa mga mall at business establishments.
"Naisip ko po na idea kasi galing kami Manila, sinamahan ko asawa ko na bumili ng mga pang-online business niya. Kada pintong papasukan ay hinahanapan ako ng vax card. Pag-uwi namin, naisip ko na i-scan ang ID tapos i-print ko sa damit," ani Jojo.
Dagdag niya, hindi naman daw siya sinisita ng mga guwardya o hinahanapan ng vaccination card sa mga establisimyento hangga’t suot niya at ipinapakita ang kanyang vaccination t-shirt.
Kwento rin ni Jojo na mas hinigpitan ang mga panuntunan sa kanilang lugar na nasa alert level 3.
Hindi niya rin tinatakpan ang mga detalye sa kanyang suot na vaccination t-shirt.
Pero nauna nang inihayag ng mga awtoridad na ingatan at protektahan ang mga mahalaga at sensitibong impormasyon sa vaccination card.
Madali lamang makagawa ng vaccination shirt si Jojo dahil mayroon din siyang printing business. Aniya, mayroon na rin siyang mga customer na nagpapagawa nito.
Pinatupad ngayong Lunes ang "no vaccination, no ride" policy sa Metro Manila. Pinatutupad naman sa buong bansa ang pagrestrikto sa paggalaw ng mga hindi pa bakunadong indibidwal.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.