Retrato mula kay Bayan Patroller Jonelito "Doydoy" Razona
Good vibes ang hatid ngayon sa social media ng mga larawan na ibinahagi ng seafarer na si Bayan Patroller Jonelito "Doydoy" Razona.
Makikita sa mga retrato si Razona na nag-aayos ng mga bagaheng naglalaman ng sibuyas, na aniya'y gagawin niyang pasalubong.
Ayon kay Razona, katuwaan lamang ang paglalagay niya ng 25 kilo na puting sibuyas sa maleta. Humiram muna siya sa pantry ng kanilang barko ng mga sibuyas para rito.
Pero ayon kay Razona, sakaling mataas pa rin ang presyo ng sibuyas sa Pilipinas sa Abril, baka ang nasabing gulay na lang ang piliin niyang ipasalubong talaga.
"Pag-uwi ko po, kapag hindi pa bababa ang presyo ng sibuyas ay mas mainam po na ang dalahin kong pasalubong ay sibuyas na lang at sa Pilipinas na lang ako bibili ng tsokolate," ani Razona.
Nanawagan din si Razona na sana'y matugunan ang problema sa mataas na presyo ng sibuyas sa Pilipinas.
Noong Miyerkoles, bahagyang bumaba ang presyo ng sibuyas sa mga palengke kasunod ng anunsiyo ng pamahalaan na mag-aangkat ito ng nasabing gulay.
— Ulat ni Cielo Gonzales, Bayan Mo iPatrol Mo
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.