PatrolPH

Mga negosyante nagbabala vs lechon 'online scam'

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2021 05:16 PM

File photo
File photo

Nagbabala ang ilang negosyante sa paglipana ng mga online scam kaugnay ng pagbili ng mga lechon. 

"Magdedeposit ka ng advance deposit or magdo-down, yung iba hindi ide-deliver, yung iba idedeliver payat na baboy," ani Ramon Ferreros, pinuno ng La Loma Lechoneros Association. 

Sa ngayon, nananatiling P8,000 ang pinakamurang lechon sa La Loma sa Quezon City, na pugad ng mga bilihan ng mga lechon. 

Pero posible anilang tumaas pa ang presyo sa Disyembre 31 dahil sa inaasahang pagtaas ng demand. 

Nagbabala rin ang Quezon City Veterinary Department sa paglipana ng mga ibinebentang lechon na gumagamit ng baboy na umano'y "double-dead". 

Ang ilang kustomer, gaya ni Herlyn Bocalbos, sinadya na ang lechonan para magpa-reserve at magpa-deliver sa Disyembre 31. 

"Mas mabuti nang sigurado at least nakikita ko," ani Bocalbos

Ang grupo ni Miko Pinon na taga-Guiguinto, Bulacan, dumayo pa mismo sa La Loma imbis na mag-online o ipa-deliver. 

"Pag kami ang pipili mas maganda, ayan o nakikita pa namin habang binabalot," ani Pinon . 

Nakabawi naman ang mga lechonero dahil mas dumami ang mga namimili ng lechon kumpara noong 2020. 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.