Petrolyo may taas-presyo simula Martes

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2020 01:57 PM | Updated as of Jun 22 2020 07:01 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATE)

Nag-anunsiyo ang mga kompanya ng langis na magtataas sila ng presyo ng kanilang mga produkto simula Martes, Hunyo 23.

Ito na ang ikapitong sunod na linggong may dagdag-presyo sa produktong petrolyo.

Ayon sa Shell, Cleanfuel, Flying V, Petro Gazz, at Total, P0.85 ang taas-presyo sa kada litro ng diesel habang P1.05 naman sa kada litro ng gasolina.

Magpapatupad din ang Shell at Flying V ng P0.30 taas-presyo sa kada litro ng kerosene.

Epektibo ang mga bagong presyo alas-6 ng umaga maliban sa Cleanfuel na magpapatupad alas-4:01 ng hapon.

Sa kabila ng sunod-sunod na taas-presyo, nanindigan naman ang Department of Energy (DOE) na mas marami pa rin umano ang naging rollback sa petrolyo mula Enero hanggang ngayon.

Samantala, higit 1,700 gas stations ng Petron, Shell at Caltex na ang nagpatupad ng dagdag-presyo dahil naman sa 10 porsiyentong pagtaas sa taripa ng imported na petrolyo.

Nasa P1.40 hanggang P1.63 kada litro ang dagdag sa diesel habang P1.23 hanggang P1.61 naman sa gasolina.

Nakatakda na ring magpatupad ng taas-presyo dahil sa taripa ang Phoenix Petroleum at PTT Philippines, ayon kay Rino Abad, direktor ng Oil Industry Management Bureau ng DOE. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.