PatrolPH

Mga negosyante positibo ang pananaw sa pagnenegosyo sa 2021

ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2020 12:50 PM

Mga negosyante positibo ang pananaw sa pagnenegosyo sa 2021 1
Isang kalsada sa Makati City, isa sa mga business district ng Metro Manila. ABS-CBN News/File

Inihahanda na ng dating events coordinator na si Gelo Mejorado ang requirements sakaling buenas ang dala ng 2021 at tawagan siya ng mga kompanyang in-apply-an.

Isang taon ding pinagkasya ni Mejorado ang sideline na pagbebenta ng face mask at face shield online dahil hirap umano sa paghahanap ng trabaho ngayong may pandemya.

"Mas maganda pa rin na may regular kang job kasi kada buwan mabibigyan mo ng financial help yung magulang mo," ani Mejorado.

"Marami na po ako in-apply-an sa online. Sobrang hirap po kasi nagtatanggalan din ng jobs," aniya.

Pero umaasa si Mejorado na magbabago ang kapalaran niya sa darating na taon.

"Sana po matuloy ‘yong vaccine, makapunta na po dito sa Pilipinas para po ‘yong mga Pilipino po ay makahanap na ng trabaho nila," ani Mejorado.

Ang inaasahang pagdating sa bansa ng bakuna kontra COVID-19 din ang isa sa mga nagpataas ng kumpiyansa ng mga lokal na kompanya sa pagnenegosyo sa Pilipinas sa 2021, ayon sa pinakahuling survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Umakyat sa 37.4 porsiyento ang business confidence index para sa unang 3 buwan ng susunod na taon at 57.7 porsiyento para sa buong 2021.

"The more buoyant outlook for the first quarter of 2021 was attributed to the following: reopening of firms and adapting to the new normal, gradual recovery from COVID-19 pandemic, particularly with the anticipated availability of the vaccine, more relaxed quarantine restrictions and a rise in sales and orders," paliwanag ni Redentor Paolo Alegre, direktor ng Department of Economic Statistics ng BSP.

Nadagdagan ang mga nagpa-planong mag-expand o magpalago ng negosyo sa 2021 mula sa sektor ng manufacturing, mining at utilities tulad ng kuryente, gas at tubig, ayon sa survey.

Bumalik na sa positibo ang employment outlook index para sa 2021, ayon sa BSP.

Ito umano ay indikasyong magbubukas ng mga trabaho ang ilang kompanya, partikular sa industry, construction at service sector.

Pero ayon kay Employers Confederation Of The Philippines (ECOP) President Sergio Ortiz Luis Jr., wala silang nakikitang expansion.

"‘Yong mga nawalan ng trabaho sa mga kumpanya, maaaring mabalik sila. Wala kaming nakikitang expansion," aniya.

"May mga sektor na obviously, tuloy-tuloy ang improvement nila. Pero may mga sektor na palabo nang palabo, like ‘yong tourism, for instance. ‘Yong mga restaurants, even sports, pahirap nang pahirap," dagdag niya.

Tingin naman ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), posibleng bandang Abril hanggang Hunyo pa magsisimulang makabawi ang marami sa mga negosyo.

"We feel that the silver lining is there. But not in the first [quarter]. Maybe late second quarter to the third, fourth, that’s when the businesses will really pick up," ani PCCI Chairman Alegria Limjoco.

Ilan sa mga nakikita ng Jobstreet Philippines na trabaho sa susunod na taon ay nasa larangan ng accounting, sales at customer services, information technology, admin at human resources, engineering, banking at finance, marketing, public relations, management, transportation at logistics, at construction.

Kasama rin ang mga trabaho sa business process outsourcing (BPO), manufacturing at agri-business sa mga inaasahang magbubukas sa 2021, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

"BPO, one of the most resilient sectors, started at 17,000 job vacancies, after weeks naging 35,000 vacancies. Thirty-four participating employers lang ito. We’re looking at the sector to be expecting more vacancies for our job seekers," ani Bureau of Local Employment Director Dominique Tutay.

"By 2021, we will already have scheduled job fairs para sa ating mga kababayan," dagdag niya.

Ayon pa sa DOLE, ilan sa tinitingnan ng mga employer sa mga job seeker ang kakayahan, karanasan at pag-uugali, kasama na ang abilidad na makapagtrabaho sa gitna ng mga pagsubok tulad ng pandemya.

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.