PatrolPH

ALAMIN: Huling galaw sa presyo ng petrolyo ngayong 2018

ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2018 05:20 PM

Inagahan na ng ilang kompanya ng langis ang kanilang rollback sa presyo ng petrolyo bago ang salubong sa Bagong Taon.

Nagtapyas na ng presyo nitong Sabado ng umaga ang Unioil, Seaoil, Phoenix Petroleum, at PTT Philippines habang sa Lunes naman epektibo ang sa Petro Gazz.

Rollback sa presyo ng petrolyo ng mga nabanggit na gasolinahan:

  • Diesel → P1.80/litro
  • Gasoline → P1.30/litro
  • Kerosene → P1.90/litro

Inaasahan namang susunod na mag-aanunsiyo ang ibang kompanya ng langis. Iyon nga lang, hindi pa sigurado kung hahabol sila sa 2018 o sa Martes, Enero 1, 2019 na nila ito ipatutupad.


GALAW NG PRESYO PETROLYO NITONG 2018
    

Sa kabuuan, 31 beses tumaas ang presyo ng gasolina habang 21 beses naman ito nag-rollback, kasama na ang galaw nitong Sabado.

Kung susumahin ang galaw ng presyo ng gasolina sa buong 2018, may netong pagtaas ito na P0.47/litro, halos pareho lang noong Disyembre 2017, bago naipatupad ang unang bugso ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Sa diesel naman, 30 beses nagtaas-presyo at 23 beses nag-rollback o netong taas na P1.50 kada litro.

Ang kerosene, 27 beses nagmahal, 23 beses tinapyasan, o netong rollback na P0.29 kada litro.

Una nang nagbabala ang Department of Energy sa mga kompanya ng langis na hindi pa nila puwedeng ipatong ang ikalawang bugso ng excise tax sa ilalim ng TRAIN law dahil dalawang linggo hanggang isang buwan pa naman tatagal ang kanilang imbentaryo ng lumang stock.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.