Dahil sa ulan at peste, presyo ng siling labuyo sa Albay P800/kilo na

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2019 06:56 PM | Updated as of Dec 27 2019 08:15 PM

Watch more in iWantTFC

LEGAZPI CITY—Binabalik-balikan ng mga kostumer sa eatery ni Dads Nicerio ang anghang ng ibinebenta niyang Bicol express at pinangat.

Pero ngayon, ramdam na rin ni Nicerio ang anghang ng halos trumipleng presyo ng siling labuyo na pangunahing sangkap sa kaniyang mga putahe. 

Ayon sa mga nagtitinda, tumaas na sa P800 kada kilo ang siling labuyo sa mga palengke.
    
Anila, kulang na kasi ang suplay at galing pa ito sa Metro Manila.

"Halos triple na pero wala naman tayong magagawa. Wala tayong pananim," ayon sa vendor na si Edgar Aydalla.

Kaya si Nicerio, nakipagbalyahan pa sa palengke makakuha lang ng 1/4 kilo ng siling labuyo para may maihain sa mga kostumer. 

"Sobrang apektado talaga," aniya. 

Paliwanag ni municipal agriculturist Dan Alejandro, halos walang magsasaka na nagtatanim ng sili sa Albay tuwing ganitong panahon.
    
Kung hindi raw kasi ito masisira ng ulan, inaatake naman ito ng mga peste.

"Ang parating nangyayari dito nagkakaroon sila ng anthrax nose, tapos 'yung isa pa 'yung panahon may bagyo," ani Alejandro. 

Mismong ang Provincial Agriculture Office ang nag-abiso sa mga magsasaka na huwag magtanim ng sili.

"Kasi ang sili ay sun loving hindi po talaga siya magta-thrive sa maulan," sabi ni Albay provincial agriculturist Che Rebeta.

Panawagan naman ng mga tulad ni Nicerio, sana ay manumbalik na sa normal ang presyo ng labuyo na ikinabubuhay nila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.