Petrolyo, di dapat magmahal agad sa Enero 1: DOE

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2018 04:53 PM | Updated as of Dec 25 2018 07:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Nagbabala ang Department of Energy (DOE) sa mga kompanya ng langis na hindi pa dapat tumaas ang presyo ng langis sa Enero 1, 2019 dahil sa dagdag-buwis sa petrolyo.

May imbentaryo pa raw kasi ng lumang stock ng langis kaya sa kalagitnaan o katapusan pa ng Enero dapat pumatak ang dagdag-presyong dulot ng mas mataas na buwis sa petrolyo, ayon kay Energy Undersecretary Felix William Fuentebella. 

"The earliest na dapat makikita natin, average is January 15 for the importation. For the refineries is around January 30 or January 31," ani Fuentebella.

Ayon kay Fuentebella, magpapaikot sila ng mga tauhan para magbantay at manita sa mga biglang magtataas ng presyo kahit lumang stock pa ang ibinebenta sa mga gasolinahan.

Ang mga dealer o kompanyang lalabag sa utos ay maaari raw ipasara bilang administrative sanction, at puwede ring kasuhan ng large-scale estafa. 

"Large-scale estafa dahil nagkokolekta ng buwis na hindi naman pala papunta sa buwis ang koleksiyon," paliwanag ni Fuentebella.

Sa ilalim ng TRAIN law, nakatakdang magkaroon ng dagdag sa buwis sa langis kada taon sa loob ng tatlong taon simula Enero 1, 2018.

Narito ang dagdag-presyo sa petrolyo na dulot ng mas mataas na buwis sa langis:
• Diesel - P2.24 kada litro
• Gasolina - P2.24 kada litro
• Kerosene - P1.12 kada litro
• Liquefied petroleum gas - P1.12 kada litro

Tiniyak naman ng Philippine Institute of Petroleum, isang samahan ng malalaking oil firms, na hindi pa ikakarga sa presyo ang dagdag-buwis sa langis sa Enero 1.

"Member companies are responsible enough to only charge the new excise tax based on the new inventory," ani Teddy Reyes, executive director ng Philippine Institute of Petroleum.

Maging ang Independent Philippine Petroleum Companies Association ay nangakong uubusin muna ang lumang stock bago magkaroon ng taas-presyo. 

"Siguro mauubos 'yong inventory by the second week of January," sabi ni Independent Philippine Petroleum Companies Association President Bong Suntay.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.