PatrolPH

Langis, may P1 bawas-presyo sa Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2018 05:48 PM | Updated as of Jul 14 2019 12:01 PM

Watch more on iWantTFC

Ilan pang kompanya ng langis ang nag-anunsiyo ng P1 tapyas sa presyo ng kanilang mga produkto, na ipatutupad daw nila sa Martes, Araw ng Pasko.

Sinabi ng Petron, Caltex, at Eastern Petroleum nitong Lunes na magkakaroon sila ng P1 bawas sa kada litro ng gasolina at diesel.

Magpapatupad naman ang Petron at Caltex ng P1 bawas-presyo sa kada litro ng kerosene.

Magiging epektibo ang mga bagong presyo ng Petron sa alas-6 ng umaga habang hatinggabi naman ipatutupad ng Eastern Petroelum at Caltex ang bawas-presyo.

Nauna nang nag-anunsiyo ang Shell at Petro Gazz ng P1 bawas-presyo ng kanilang mga produkto na epektibo rin sa Martes.

Samantala, may namumuro namang bawas sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) sa Enero 1 bunsod ng pagbaba ng presyo ng LPG sa pandaigdigang merkado.

Para sa kabuuan ng 2018, 31 beses nagmahal at 20 beses nagkaroon ng bawas-presyo sa gasolina.

May 30 beses namang nagtaas ng presyo at 22 beses nag-rollback ang diesel, habang 27 beses nagtaas ng presyo at 22 beses nagbawas-presyo ang kerosene.

Nitong Disyembre 24, nasa P35.20 hanggang P42.58 ang presyo ng kada litro ng diesel, ayon sa Department of Energy (DOE).

Nasa P40.60 hanggang P58.90 naman ang kada litro ng gasolina, sabi ng DOE.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.