Presyo ng siling labuyo, sibuyas halos dumoble ngayong Disyembre

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2019 04:50 PM | Updated as of Dec 20 2019 08:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Halos doble ang itinaas ng presyo ng sibuyas at siling labuyo habang papalapit ang Pasko.

Madaling araw pa lang nitong Biyernes, tiyagaan na si Nelia Patoc sa pag-iikot sa night market sa Divisoria para makahanap ng murang presyo ng pulang sibuyas.

Nasa P130 hanggang P140 kasi ngayon ang bentahan nito mula sa P70 hanggang P80 bago ang holiday season.

Kaya imbes na pulang sibuyas lang ang gamit, hinahaluan na niya ng puting sibuyas ang panggisa.

"Adjust lang din sa pag-ano ng mga rekado... Mixed din talaga ako. Konting pula, konting puti," aniya.

Ayon sa mga nagtitinda, kaunti na ang ibinabagsak sa kanilang suplay ng sibuyas mula Nueva Ecija kaya tumaas na ang presyo nito sa mga pamilihan.

Sa datos ng Department of Agriculture-Surveillance Monitoring and Enforcement Group (DA-SMEG), tumaas nang 54.4 porsiyento ang retail price ng pulang sibuyas ngayong Disyembre kumpara noong Nobyembre.

Hanggang Enero pa kasi ang lean months ng pulang sibuyas.

"Kaunti po kasi talaga pag ganitong malamig ang panahon," sabi ng tinderang si Josephine Arnaiz.

"Paubos na. Marami na ngang bulok eh," ayon pa sa isang vendor na si Precy Roque.

Bukod sa sibuyas, sumipa rin sa P400 hanggang P500 ang kada kilo ng siling labuyo na dating naglalaro lang sa P200 kada kilo.

Kaya dahil magpa-Pasko at karaniwang sangkap ang mga ito, kaniya-kaniya munang diskarte ang mga wais na mamimili para makatipid.

Sa karinderya ni Jimmy Manangkil, tipid din sila sa paggamit ng sibuyas. 

Imbes na kada piraso ng siling labuyo ang ibigay sa mga kostumer, gumagawa na lang sila ng chili oil para makatipid sa konsumo.

"Dati 2 piraso sa isang putahe, ngayon gagawin naming isa na lang para makatipid," ani Manangkil.

Nananatiling mataas ang demand sa sibuyas sa mga pamilihan at posibleng bumalik ito sa normal na presyo pagkatapos ng lean months sa susunod na buwan. 

Wala namang paggalaw sa presyo ng bawang na P100 pa rin kada kilo.


—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.