Maynilad, Manila Water may dagdag-alokasyon sa Pasko, Bagong Taon

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2019 05:27 PM | Updated as of Dec 19 2019 08:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Inanunsiyo nitong Huwebes na dadagdagan ang alokasyon ng tubig para sa Maynilad at Manila Water galing sa Angat dam para umiksi o mawala pansamantala ang rotating water interruption sa Pasko at Bagong Taon lalo't kadalasang tumataas ang demand sa holidays.

Ayon sa National Water Resources Board (NWRB), inaprubahan nila ang alokasyong 2 cubic meters per second para sa mga water concessionaire sa Pasko't Bagong Taon.

Konting dagdag lang ang kayang pagbigyan ng NWRB dahil kailangan ding tipirin ang suplay ng Angat dam hanggang summer ng susunod na taon, lalo pa nga't malabong umabot sa target na 212 meters ang water level nito bago matapos ang 2019.

"Hindi naman ganoon kalaki ang impact sa supply [pero] makakatulong this Christmas season kung ma-minimize ang water interruption," ani NWRB executive director Sevillo David, Jr. 

Pero paglilinaw ng Maynilad, kahit may dagdag alokasyon ay malayo pa rin ito sa normal allocation nilang 48 cubic meters per second. 

Pero kahit paano, may positibong epekto pa rin ito. 

"It's either po ma-shorten po namin 'yung kasalukuyang nararanasang rotating water interruption ng customers or hopefully totally mawala sa 4 na holidays na meron tayo," ani Ronald Padua, head ng Maynilad water supply operations.

Giit ng water concessionaires, tuloy ang rotational interruption nila pero ia-adjust din nila ang suplay batay sa pangangailangan dahil marami na rin namang nakabakasyon sa probinsiya. —Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.