'Presyo ng Noche Buena products, di na gagalaw'

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2018 05:02 PM | Updated as of Dec 19 2018 08:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang araw bago mag-Pasko, wala nang inaasahang paggalaw o pagtaas sa presyo ng mga produktong ginagamit panghanda ng Noche Buena o iyong salusalo sa hatinggabi bago ang Pasko.

Sa pag-iikot ng Department of Trade and Industry (DTI) nitong Miyerkoles sa ilang supermarket sa Maynila, sinabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na "stable" ang presyuhan ng Noche Buena products. 

May mga produkto pa raw na mas mababa ng P3 hanggang P5 kompara sa suggested retail price na itinakda ng DTI.

Wala na rin dapat galaw o pagtaas sa presyo ng Noche Buena products at iba pang pangunahing bilihin hanggang sa matapos ang 2018, sabi ni Castelo.

Mas makatitipid din daw ang mga konsumer ng P20 hanggang P50 kung bibili ng "bundled products" o set ng mga sangkap na pang-spaghetti o pang-salad, ani Castelo.

MURANG BIGAS SA MGA SUPERMARKET, NAGKAKAUBUSAN

Samantala, mabilis namang naubos ang murang bigas na itinitinda sa mga supermarket sa ilalim ng programang Presyong Risonable Dapat (PRD).

Sa ilalim ng PRD program, ineendorso ng DTI ang permit para mag-angkat ng bigas ang mga supermarket o kakontrata nila basta ibenta ang commercial rice sa halagang P38 pababa kada kilo.

Pero dahil walang limit sa puwedeng bilhin murang bigas, mabilis din umano itong nauubos.

Kabilang sa mga sumali sa programa ang Robinsons Supermarket, Puregold, at SM Markets.

-- Ulat nina Johnson Manabat at Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.