'Bilang ng mga may trabahong Pinoy lumobo nitong 2018'

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2018 05:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tumaas umano ang bilang ng mga Pinoy na may trabaho ngayong 2018 kumpara noong nakaraang taon, base sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Batay sa October 2018 Labor Force Survey ng PSA, nasa 826,000 trabaho ang nalikha para sa 2018.

Dahil dito, naitala sa 41.16 milyon ang bilang ng mga employed worker ngayong taon, mas mataas ng 2 porsiyento kumpara sa 40.33 milyon noong 2017.
 
Base pa sa kaparehong survey, nabawasan ng 140,000 ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho. 

Samantala, nananatili namang problema ang underemployment dahil lumalabas na mayroong 6.7 milyon na underemployed workers ngayong 2018 at ito ay 3.5 porsiyento na mas mataas kumpara sa 6.5 milyon underemployed worker noong 2017.

Underemployed ang isang manggagawa kung naghahanap pa ito ng dagdag na pagkakakitaan kahit ito ay may trabaho na. 

Pinuri naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga programa ng gobyerno na lumikha ng kabuhayan para sa maraming Pinoy, sa pangunguna na ng "Build, Build, Build" program. 

"The employment situation in the Philippines continues to improve as more Filipinos are getting employed through increased job opportunities in various sectors, such as the Build Build Build infrastructure program of the administration," ani DOLE Secretary Silvestre Bello III.

Ang bilang naman ng stable wage employment ay umabot sa 26.6 milyon o 2.9 porsiyento na mas mataas kumpara sa naitala sa kaparehong panahon noong 2017. 

"This can be attributed to DOLE’s strict enforcement of campaign against illegal contractualization, as well as to the department’s strengthened employment facilitation services and enhanced social protection programs for our workers," dagdag ni Bello.

Sa tala ng DOLE, ang mga naging regular na manggagawa sa ilalim ng kampanya laban sa ilegal na kontraktuwalisasyon ay umaabot na sa 411,449.
 

—Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.