Langis, may bawas-presyo simula Martes

ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2018 12:34 PM | Updated as of Jul 16 2019 12:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nag-anunsiyo ngayong Lunes ang ilan pang kompanya ng langis ng pagtapyas sa presyo ng kanilang mga produkto, na magiging epektibo sa Martes, Disyembre 18. 

Ayon sa Caltex, Petron, at PTT Philippines, magpapatupad sila ng P0.10 bawas sa kada litro ng gasolina, at P0.25 bawas sa kada litro ng diesel.

Magpapatupad din ang Caltex at Petron ng 0.25 bawas sa kada litro ng kerosene. 

Magiging epektibo ang bagong presyuhan ng Caltex simula hatinggabi ng Martes, habang alas-6 ng umaga naman ang PTT Philippines at Petron.

Ayon sa Eastern Petroleum, P0.35 ang kanilang ibabawas sa kada litro ng diesel, at P0.15 sa kada litro ng gasolina simula hatinggabi ng Martes.

Magpapatupad naman ang Jetti Pump at Petro Gazz ng P0.30 tapyas sa kada litro ng diesel, at P0.15 tapyas sa kada litro ng gasolina simula alas-6 ng umaga ng Martes. 

Nag-anunsiyo rin noong Linggo ang Shell na magpapatupad ng P0.10 bawas-presyo sa gasolina, at P0.25 bawas-presyo sa diesel at kerosene simula alas-6 ng umaga sa Martes. 

Nauna nang nagtapyas-presyo ang Phoenix Petroleum at SEAOIL noong Sabado.

Sa kabuuan, mas marami pa rin ang naging taas-presyo ng petrolyo kumpara sa bawas-presyo nitong taon. 

Nasa P21.57 ang kabuuang dagdag sa gasolina mula Enero habang P22.30 naman sa diesel.

Mula Enero, nasa P18.80 ang naging kabuuang bawas sa gasolina habang P17.95 naman sa diesel.

Inaasahang magtutuloy ang serye ng bawas-presyo sa langis hanggang sa dulo ng 2018, sabi ni Energy Undersecretary Felix William Fuentebella. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.