MWSS di papayag na dumoble ang singil sa tubig

ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2019 07:42 PM

Watch more in iWantTFC

Kinontra ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office ang babala ng Maynilad at Manila Water na dodoble ang singil sa tubig dahil sa pagbawi sa extension ng concession agreement.

"There is no way that we will allow na dodoble po ang water tariff. Hindi natin papayagan 'yan kasi masyadong mabigat sa ating publiko," ani MWSS chief regulator Patrick Ty.

Ang MWSS ang nangangasiwa sa Maynilad at Manila Water, na nagdi-distribute ng tubig sa Metro Manila.

Kung hanggang 2022 na lang ang kontrata, obligado ang MWSS na bayaran ng "expiration payment" ang 2 kompanya pero puwede rin itong ipasalo sa papalit na concessionaire.

Nilinaw din ng MWSS na buhay pa ang extension ng concession agreement nila sa Maynilad at Manila Water. Ang kinansela raw ay ang resolusyon lang na nage-extend ng kontrata hanggang 2037.

Iaalok din daw ang bagong kontrata sa extension ng concession agreement hanggang taong 2037 sa Maynilad at Manila Water, pero kung ayaw nila, puwede itong ipa-bid sa ibang kompanya.

"Magsimula tayo sa bagong kontrata kung saan magbe-benefit ang greater majority," ani MWSS Administrator Emmanuel Salamat.

"Kung hindi, we will go to the other process which is re-bidding," ani Salamat. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.