'Fishona non grata': Grupo nais ipa-boycott ang mga imported galunggong

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2019 03:49 PM | Updated as of Dec 13 2019 10:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Umapela sa publiko nitong Biyernes ang grupo ng mga mangingisda na huwag tangkilikin ang mga imported na galunggong, na tinawag nilang mga "fishona non grata."

Ayon sa grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), sobra umano ang patong sa presyo ng galunggong sa merkado dahil P50 hanggang P60 kada kilo lang ang benta nila dito.

Sa kasalukuyan, sumisipa na sa halos P300 ang bentahan ng galunggong sa maraming palengke. 

Shortage dahil sa bagyo at fishing ban sa Palawan ang itinuturong dahilan ng gobyerno, dahilan para payagan nila ang pag-aangkat ng 45,000 metriko tonelada nito mula sa China at Vietnam. 

Pero ani Ruel Araneta, miyembro ng Pamalakaya-Palawan, walang silbi ang fishing ban sa Palawan dahil maliliit na mangingisda lang ang sinisita at hindi ang commercial fishing.

Mag-iikot ang grupo sa mga palengke para manawagan at kumbinsihin ang mga vendor at mamimili na huwag tangkilikin ang imported galunggong.

—Ulat nina Raya Capulong at Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.