Bagong bintang vs Diokno: Pondo 'iniipit' para sa halalan sa 2019

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2018 10:54 PM | Updated as of Jul 18 2019 12:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May panibagong ibinabatong alegasyon laban kay Budget Secretary Benjamin Diokno kaugnay sa umano'y iniipit niyang P60 bilyon na road users' tax na balak umanong "ipamudmod" sa mga pinapaborang kaalyado para sa halalan sa 2019.

Bukod pa ito sa naunang pumutok na isyu na P75 bilyon ang "isiniksik" na pondo ni Diokno sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa panukalang 2019 national budget.

Ayon kasi sa batas, dapat gamitin agad sa paggawa ng kalsada ang Motor Vehicle User's Charge o road users' tax pero ayaw umano itong ilabas ni Diokno.

Paliwanag naman ng kalihim, nagdesisyon ang Palasyo na huwag itong gastahin dahil pinabubuwag sa Kongreso ang Road Board.

Depensa pa ni Diokno, para rin ito sa kapakanan ng Kongreso dahil malaking pondo ang nakataya. 

"We will not release until the Road Board is abolished because we want to give Congress the power...to do what they want to do with the proceeds [of road users' tax]," anang kalihim.
    
Pero Setyembre 2 ay binawi ng Kamara ang pag-abruba sa House Bill 7436 na pinasa ni noo'y Speaker Pantaleon Alvarez, ngunit hanggang ngayon daw ay "nagmamatigas" pa rin si Diokno. 
    
"Since it was not abolished, then it is your duty to release... because the law dictates that you have to," ani Deputy Speaker Prospero Pichay.

Giit pa ni House Majority Leader Rolando Andaya, sinuway ni Diokno ang batas at aabot ng P60 bilyon ang iniipit niyang pondo.

May hinala rin si Andaya kung saan gagamitin ang pondo.

"The plan is while no one is looking, all of these will be released next year before the elections... Yes, 'yun ang gagawin niya diyan, sigurado ako, because there is no other document needed for it to be released," ani Andaya.

Nilinaw naman ni Andaya na ayaw niyang mag-resign si Diokno dahil magtutuos pa sila. 

Nagtakda kasi ng imbestigasyon ang Kamara sa Enero 3 upang mabusisi ang "anomalyang" ipinupukol kay Diokno.

"Si Secretary Diokno... matigas ang mukha talaga niyan so hindi 'yan maaalog. Kaya sige lang, tuloy lang natin until umabot sa punto na magharap-harapan na tayo," hamon ni Andaya.

Dinepensahan naman ni Senate finance committee chair Loren Legarda si Diokno.

"I firmly believe in Secretary Diokno's integrity and in his capability to carry out reforms and introduce programs that would ensure equitable, inclusive, resilient and sustainable growth for our country. He has my full support," ani Legarda.

Buo pa rin naman daw ang tiwala ng Palasyo kay Diokno, na pinuri pa sa kaniyang "walang bahid" na serbisyo sa gobyerno.

"We similarly wish to express that the President continues to trust the Budget secretary and the confidence reposed on him remains unimpaired. Secretary Diokno's record in the government service, to the mind of the chief executive and of the rest of his Cabinet, is unblemished," ani Presidential Spokesperson Salavador Panelo.


—Ulat nina RG Cruz at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.