Dagdag-singil sa tubig sa Enero di na tuloy

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2019 08:01 PM | Updated as of Dec 10 2019 08:24 PM

Watch more in iWantTFC

Hindi na itutuloy ng mga water concessionaire ang nakaumang na dagdag-singil sa tubig sa Enero.

Inihayag ito nina Manila Water President Jose Rene Almendras at Maynilad President Ramoncito Fernandez sa pagdinig sa Kamara ngayong Martes.

"Ipinarating po namin sa [Metropolitan Waterworks and Sewerage System] sa aming sulat noong ika-3 ng Disyembre ang aming hangarin na makipag-ugnayan para magkasundo kung paano maaayos, maipatutupad ang pagpaliban sa nasabing naaprubahang taas-singil," ani Almendras.

"Hindi po kami magtataas ng presyo ng tubig sa January," ani Fernandez.

Sakaling natuloy, P2.98 kada cubic meter ang dagdag-singil ng Maynilad habang P2.84 kada cubic naman sa Manila Water.

Pero ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office, dapat pa ring ituloy ng Maynilad at Manila Water ang kanilang mga proyekto kahit walang dagdag-singil.

"'Yong deferral na gagawin natin, dapat 'di makakaapekto sa rollout ng projects nila," ani MWSS chief regulator Patrick Ty.

Kinumpirma naman ni MWSS Chairman Reynaldo Velasco na kinansela na ng MWSS ang resolusyong nagpapalawig sa concession agreement sa Maynilad at Manila Water hanggang 2037.

Ibig sabihin, hanggang 2022 na lang hahawakan ng 2 concessionaire ang pag-distribute ng tubig sa Metro Manila.

Wala pang reaksiyon ang 2 concessionaire sa pagkansela.

GOBYERNO DI NA SISINGILIN SA DANYOS

Sa parehong pagdinig, inihayag din ng Maynilad at Manila Water na hindi na nila sisingilin ang gobyerno ng halos P11 bilyong danyos.

Watch more in iWantTFC

Kasunod ito ng pagpabor ng Permanent Court of Arbitration, na nakabase sa Singapore, sa 2 concessionaire sa kaso ng mga ito laban sa gobyerno.

Nag-ugat ang kaso laban sa gobyerno nang hindi pinayagang magtaas-singil sa tubig ang Manila Water noong 2015.

Pumayag na rin ang mga water concessionaire na pag-usapan na baguhin ang mga kuwestiyonableng probisyon ng concession agreement o kasunduan nila sa gobyerno.

Hindi na rin ipapasa ng Maynilad at Manila Water ang kanilang corporate income taxes sa mga kostumer.

Bumuo na ng technical working group ang MWSS para pag-usapan ang pagbabago sa kontrata. Nagtalaga na rin ng team mula sa MWSS board na lalahok sa negosasyon.

-- Ulat nina Alvin Elchico at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.