Presyo ng gasolina tataas, diesel at kerosene tatapyasan sa Martes

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2018 02:58 PM

Ilan pang kompanya ng langis ang nag-anunsiyo ngayong Lunes ng taas-presyo sa gasolina, at bawas-presyo sa diesel at kerosene, na ipatutupad nila sa Martes, Disyembre 11.

Ayon sa Caltex, Jetti Pump, Phoenix Petroleum, at PTT Philippines, magkakaroon sila ng P0.40 taas-presyo sa kada litro ng gasolina at P0.10 bawas-presyo naman sa kada litro ng diesel.

Magpapatupad din ang Caltex ng P0.45 bawas-presyo sa kada litro ng kerosene.

Magiging epektibo ang mga bagong presyo ng Caltex simula hatinggabi ng Martes, habang alas-6 ng umaga magpapatupad ang Phoenix Petroleum at PTT Philippines.

Naunang mag-anunsiyo noong Linggo ang Shell, SEAOIL, Eastern Petroleum, at Petro Gazz ng P0.40 dagdag-presyo sa gasolina at P0.10 bawas-presyo sa diesel. Ipatutupad din nila ito simula alas-6 ng umaga sa Martes.

May P0.45 bawas-presyo din ang Shell at SEAOIL sa kada litro ng kerosene.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.