PatrolPH

Presyo ng isda, imported na baboy nagtaas-presyo sa ilang pamilihan

ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2021 07:03 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA -Nagtaas na rin ang presyo ng isda at imported pork sa merkado, ayon sa mga nagbebenta. 

Sa Mega Q-Mart, nasa P260 na ang kada kilo ng galunggong mula P220 kada kilo. 

Ang dalagang bukid, nasa P280 na ang kada kilo mula P240 kada kilo. 

Ang bangus, nasa P160 na kada kilo mula P140. 

Bukod kasi sa mahirap ang huli tuwing malamig ang panahon, sinabi ng Department of Agriculture (DA) na malaki ang demand ng isda ngayon. 

"Tumaas talaga ang isda ngayon dahil sa malamig ang panahon. May posibilidad na magtaas ulit ngayon ang isda dahil nga magki-Christmas. Talaga nagmamahal talaga ang mga isda 'pag December. Pahirapan daw ang paghuli ng isda ngayon," ani Ryan Merilo, tindero ng isda. 

Sabi ng DA na tumutulong silang dalhin sa mga pamilihan ang mga isda mula sa aquaculture farms at may subsidiya rin sa transportation cost at ice chest para sa producers at tindero sa pamamagitan ng mga kooperatiba. 

Tumaas naman nang bahagya ang frozen o imported pork sa Mega Q-Mart. 

Ang kasim, nasa P240 kada kilo mula P220 kada kilo. Ang liempo naman ay nasa P290 mula P280 kada kilo habang ang pork chop nasa P210 mula P200 kada kilo. 

Sinisilip naman ng DA kung ano ang sanhi nito. 

"We are looking into doon sa sabi nilang may possibility ng may nagte-take advantage. However doon sa tinitingnan natin kung ano 'yung mga gastos bakit tumaas ang bili ng ating retailers," ani DA Undersecretary Kristine Evangelista ng Consumer and Political Affairs. 

"We also have to take into consideration probably 'yung storage cost kasi siyempre ang mga importers pagdating ng baboy meron silang gastusin sa cold storage facilities. Aside from that meron ding mga meat cutting. These are additional cost bago makarating sa retailers," dagdag niya. 

Nakapako naman ang presyo ng sariwang baboy sa mga pamilihan at bumaba pa nang P10 ang kada kilo ang sabit-ulo o kuha ng mga retailer, na dahilan umano ng pagbawas ng presyo ng sariwang baboy. 

Pero para sa grupong Laban Konsyumer, dapat maglabas na ng SRP para maiwasan ang pananamantala ng mga nasa supply chain. 

"Intensified price monitoring especially this month, December. Ang DA should consider seriously and immediately magpataw ng SRP itong panahon ng kapaskuhan maybe hanggang January. December until January, maybe 60 days," ani Laban Konsyumer President Victor Dimagiba. 

"Andu'n naman 'yan nakasaad sa Price Act dahil hindi nila maipaliwanag bakit ang baboy, ang supply ng imported products eh sobra-sobra kaysa sa local pero ang local price is still very expensive," dagdag niya. 

Sabi naman ng DA, pinag-uusapan pa nila kung kailangan na bang
 maglagay ng SRP sa mga pangunahing produkto. 

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.