PatrolPH

SSS, GSIS namigay ng cash gift, 13th month sa mga pensioner

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2021 03:00 PM | Updated as of Dec 07 2021 08:15 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) - Namigay na ng 13th month at cash gift ang Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security Systems (SSS) sa kanilang mga pensioner. 

May katumbas na P2,200 hanggang P19,000 ang halaga na para sa 3 milyong pensioner ng SSS. 

Ayon kay SSS spokesperson Atty. Sau Mapalo, nasa P27.5 bilyon ang kabuuang budget para sa mga pensioner na inilabas sa kanilang partner banks mula Disyembre 1 hanggang 4, 2021. 

"Kung di pa po nakatanggap please coordinate with the local branch to verify, or they go to the bank," ani Mapalo.

Nagpaalala naman si Mapalo sa mga pensioner abroad maging sa survivorship at disability pensioners na sundin ang annual confirmation of pensioners (ACOP). 

Puwede nilang gawin ito virtually sa mail o kaya email, at hindi kailangang personal na iproseso ito. 

Maaari nilang i-check ang mga requirement sa mga website. 

Namigay na rin ng cash gift ang GSIS sa kanilang 300,000 pensioner. 

Kung mas mababa sa P10,000 ang pensiyon ng isang benepisyaryo, makakatanggap siya ng buong buwan na pension na katumbas ng cash gift. 

Kung higit P10,000 ang natatanggap ng pensioner, makakatanggap siya ng P10,000 cash gift. 

"Halimbawa P20k ang pensyon mo, P10k pa rin ang cash gift pantay pantay lang... 'Di makakatanggap ang di nagqualify yung walang APIR pati yung less than 5 years pa lang nagretire," ani GSIS Executive Vice President Nora Malubay. 

Nai-credit na umano ang pera sa Unionbank at Landbank accounts noong Disyembre 6. Ike-credit din ngayon ang kanilang pensiyon para sa Disyembre. 

Samantala, hindi pa nabibigyan ng cash gift ang mga pensioner na hindi nagpapakita o napapatunayan na buhay pa at bibigyan sila nang hanggang April 2022 para magbigay ng patunay. 

"Di naman kailangang persona, puwedeng via registered mail or email, isubmit lang ang forms," ani Malubay.

Paalala rin ni Malubay na sundin ang annual pensioners verification, o beripikahin kung buhay pa sila sa pamamagitan ng Messenger, Skype, Viber o kaya Zoom. 
 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

KAUGNAY NA VIDEO: 

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.