PatrolPH

Presyo ng petrolyo higit P2 ang tapyas sa Disyembre 7

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2021 11:38 AM | Updated as of Dec 06 2021 09:31 PM

Watch more on iWantTFC

(UPDATE) Magkakaroon ng malaking rollback sa presyo ng produktong petrolyo sa Martes, Disyembre 7, ayon sa mga kompanya ng langis.

Narito ang mga price adjustment:

Caltex (Alas-12:01 ng hatinggabi)
GASOLINA -P2.40/L
DIESEL -P2.65/L
KEROSENE -P2.70/L

Shell, Seaoil, Flying V, Petron (Alas-6 ng umaga)
GASOLINA -P2.40/L
DIESEL -P2.65/L
KEROSENE -P2.70/L

PetroGazz, PTT Philippines, Unioil, Phoenix Petroleum (Alas-6 ng umaga)
GASOLINA -P2.40/L
DIESEL -P2.65/L

Cleanfuel (Alas-8:01 ng umaga)
GASOLINA -P2.40/L
DIESEL -P2.65/L

Nauna nang ipinaliwanag ng mga taga-industriya na ang bawas-presyo ay bunsod ng pagbaba ng demand sa krudo, ngayong may travel ban sa iba't ibang bansa dahil sa banta ng Omicron variant ng COVID-19.

Mas malaki dapat ang bawas sa gasolina pero natapyasan dahil sa "market premium" o mas mahal na kuha ng produkto — bagay na ikinadismaya ng grupong Laban Konsyumer.

"Dapat ang DOE (Department of Energy), ipaliwanag niya bakit pati ba naman sa rollback, may bawas pa? Ano ba itong bawas o rollback e mina-magic pa ng mga oil companies at mga trader? Hindi ito dapat ipagkait sa mga rider, sa mga public transport driver," ani Laban Konsyumer President Vic Dimagiba.

Sa pagtaya ng DOE, next year na makakabawi ang presyo ng langis sa world market dahil sa pagkalat ng COVID-19, na nangangahulugang may maaasahan pang rollback sa mga susunod na linggo.

Sa 5 sunod-sunod na linggong rollback, P6.25 na ang naibawas sa presyo ng kada litro ng gasolina, P5.40 sa diesel at P5.55 sa kerosene.

"Mukhang magtutuloy-tuloy ang pagbagsak ng price... baka bumalik sa pre-pandemic [level]," ani Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad.

"While prices are going down, let's enjoy it and when it does go up, we can't do anything about it," ani Independent Philippine Petroleum Companies Association President Noel Soriano.

Pero kapag sinuma lahat mula umpisa ng taon, may "net increase" pa rin sa presyo ng petrolyo dahil mas marami at malaki ang itinaas kaysa ini-rollback.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.