PatrolPH

PH mag-aangkat ng galunggong matapos ang 'doble-presyo' sa ilang palengke

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2019 03:57 PM | Updated as of Dec 06 2019 08:15 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Muling mag-aangkat ng galunggong ang Pilipinas para tugunan ang kakulangan sa suplay na naging dahilan sa pagtaas ng presyo nito sa merkado, ayon sa opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Nasa 45,000 metriko toneladang galunggong mula China at Vietnam ang aangkatin ng bansa, ayon kay BFAR Director Eduardo Gongona.

"'Yong pag-import ay para punan lang 'yong kulang para hindi mag-spike ang presyo," ani Gongona.

Nasa P300 na ang presyo ng kada kilo ng galunggong sa merkado.

Ayon kay Gongona, nagkulang ang suplay ng galunggong sa Pilipinas dahil sa iba-ibang dahilan gaya ng panahon at cost of production.

May fishing ban din daw ang mga mangingisda sa Palawan, kung saan nakukuha ang 92 porsiyento ng suplay ng galunggong sa bansa, hanggang Enero para padamihin muna ang mga isda.

"Walang isda kapag may ulan, mayroon bagyo. Limitado ang labas ng mga mangingisda dahil malakas ang tubig, very dangerous sa kanila 'yon," ani Gongona.

 PAG-ANGKAT, TINUTULAN

Tutol naman ang grupo ng mga mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa pag-angkat ng galunggong.

Hindi raw pag-aangkat ang solusyon para mapababa ang presyo ng galunggong sa merkado at wala rin umanong shortage sa nasabing isda.

Ayon sa Pamalakaya, hihina rin daw ang kabuhayan ng mga lokal na nagbebenta ng galunggong kapag nag-angkat.

Nagbabala rin ang Pamalakaya na maaaring may kemikal na formalin ang mga isdang iaangkat mula China.

Pero tiniyak ng BFAR na dadaan sa masusing inspeksiyon ang isda bago ibenta sa merkado.

Tinitingnan din ng BFAR kung may mga sektor o indibiduwal na nagmamanipula sa bentahan ng galunggong kaya tumaas ang presyo nito.

"Pinapatingnan na namin yan," ani Gongona. "It happened already before nama-manipulate nila ang prices."

Noong nakaraang buwan, inaprubahan din ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng galunggong bilang tugon sa pagtaas ng presyo nito sa mga palengke.

 ILANG KLASE NG GULAY MAY TAAS-PRESYO RIN

Bukod sa galunggong, tumaas din ng P20 hanggang P40 ang presyo ng tilapia at tulingan, base sa price monitoring ng DA. 

Nagkaroon din ng pagtaas sa presyo ng pulang sibuyas, puting sibuyas, carrots, pechay, at patatas, base sa price monitoring.

Handang makipag-usap ang DA at Department of Trade and Industry kung magpapatupad ng price freeze.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.