Serye ng rollback sa petrolyo, posibleng maputol sa susunod na linggo

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2018 09:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mahigit P1,000 rin ang natipid ng family driver na si Romy San Juan dahil sa walong sunod-sunod na linggong nagkaroon ng bawas-presyo sa diesel.

Ayon kay San Juan, nadismaya siya nang malamang posibleng maputol na ang serye ng bawas-presyo sa susundo na linggo dahil sa pagmahal ng langis sa pandaigdigang merkado.

"Para sa aming mahihirap, kulang pa," ani San Juan.

Sa unang tatlong araw kasi ng trading, o mula Disyembre 3 hanggang 5, nasa P0.47 na ang iminahal ng imported na gasolina at P0.10 naman sa diesel.

Tinatayang maglalaro sa P0.30 hanggang P0.50 ang taas-presyo sa petrolyo sa susunod na linggo, ayon kay Danny Alabado, presidente ng PTT Philippines Trading Corporation.

"The range here, if there won't be any change in the trend, the range could be a price of somewhere around P0.50 to P0.30," ani Alabado.

Tumaas man ang presyo ng petrolyo sa susunod na linggo, sa pangkalahatan, ayon sa mga eksperto, hindi naman sisipa ang presyo ng krudo sa world market kahit tapyasan pa ng produksiyon ng langis.

Nagsimula na rin ang pulong ng Organisation of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) sa Vienna, Austria para isapinal ang planong bawas na higit 1 milyong bariles ng langis kada araw.

Samantala, sinimulan namang pag-usapan sa Kongreso ang panukalang pag-alis ng buwis sa langis.

Nilinaw naman ng gobyerno na hindi agad papatak sa Enero 1 ang dagdag-buwis sa langis dahil may imbentaryo pa dapat ng lumang langis na hindi pa napatawan ng mas mataas na buwis.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.