PatrolPH

Inflation, bumagal sa 6 porsiyento nitong Nobyembre

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2018 12:19 PM | Updated as of Dec 05 2018 04:29 PM

Inflation, bumagal sa 6 porsiyento nitong Nobyembre 1
Kinakarga ng isang trabahador ang ilang paninda sa isang palengke sa Benguet. Reuters

Unemployment bahagyang tumaas

Bumagal ang inflation, o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin noong Nobyembre, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority.

Naitala sa 6 porsiyento ang inflation noong Nobyembre, mula sa 6.7 porsiyento inflation noong Oktubre at noong Setyembre. Ito na ang unang insidente ng pagbagal ng inflation ngayong taon.

Tumama ito sa tantiya ng Bangko Sentral ng Pilipinas na maglalaro sa 5.8 hanggang 6.6 porsiyento ang inflation nitong Nobyembre. 

Bumagal naman sa 5.6 porsiyento mula 6.1 porsiyento ang inflation sa Metro Manila. Bagaman naitala ang 8.9 porsiyento mula 9.1 porsiyentong inflation sa Bicol Region, ito pa rin ang rehiyong may pinakamabilis na inflation. 

Kabilang pa rin sa pinakamalaking nag-ambag ng taas-presyo ang pagkain, inumin, kuryente, at produktong petrolyo. 

Bumagal sa 8 mula 9.4 porsiyento ang inflation dulot ng tapyas-presyo sa bigas, mais, gulay, at karne, ayon kay Lisa Grace Bersales, civil registrar general ng Philippine Statistics Authority. 

Tumaas ang inflation sa pasahe ng jeep at tricycle, habang bumagal ang presyo ng produktong petrolyo. Magugunitang nagkaroon ng sunod-sunod na linggong rollback sa presyo ng langis. 

Dating nabanggit ni Finance Secretary Sonny Dominguez na babagal ang inflation bago matapos ang 2018. 

Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na nakatulong umano ang hakbang ng Malacañang na mag-angkat ng mga bilihin tulad ng bigas para mapababa ang presyo nito sa merkado. 

Pangamba naman ng ekonomistang si Noelan Arbis, posibleng madagdagan ang inflation sa 2019 sa pagpapatuloy ng dagdag-buwis sa langis simula Enero. 

"We saw last year what happened when excise taxes were implemented. It led to broad-based price increases, not just on the products with taxes," aniya sa "Headstart" ng ANC. 

Pero kumpiyansa si Budget Secretary Benjamin Diokno na hindi ito magreresulta sa pagbilis ng inflation. Inaasahan pa ng DBM na bababa sa 2 hanggang 4 porsiyento ang inflation rate sa bansa pagsapit ng 2019 at 2020. 

UNEMPLOYMENT BAHAGYANG TUMAAS 

Bahagyang tumaas ang unemployment rate ng bansa nitong Oktubre sa 5.1 porsiyento, kumpara sa 5 porsiyento noong Oktubre 2017. 

Ibig sabihin, ayon sa datos, may 41.3 milyon ang employed na Pinoy, 2.2 milyon na unemployed, habang 5.5 milyon naman ang underemployed nitong Oktubre. 

Bumaba naman ang underemployment, o ang naghahanap pa ng ibang pagkakakitaan kahit may trabaho dahil hindi sapat ang kita, mula 15.9 porsiyento sa 13.3 porsiyento. 

Ito rin umano ang pinakamababang underemployment rate magmula noong 2003. 

-- May ulat ni Warren de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.