Nagpaliwanag ngayong Miyerkoles si Budget Secretary Benjamin Diokno ukol sa desisyon ng gobyernong ituloy ang pagpataw ng dagdag-buwis sa langis sa susunod na taon.
Ayon kay Diokno, wala nang dahilan para suspendehin pa ang dagdag-buwis — na bahagi ng ikalawang bugso ng fuel excise tax sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law — dahil malaki na ang ibinaba ng presyo ng Dubai crude.
"Ang projection ngayon is pababa na ang presyo ng krudo and we got information na nag-subside na 'yong inflationary pressure," sabi ni Diokno.
Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Martes ang rekomendasyon ng kaniyang mga economic manager na bawiin ang pagsuspende sa dagdag-buwis sa langis, na nakatakdang ipatupad sa Enero.
Inanunsiyo noong Oktubre ang suspensiyon sa ikalawang bugso ng excise tax dahil umabot na noong mga panahong iyon sa $80 kada barrel ang presyo ng Dubai crude. Ito ang presyo ng Dubai crude na kailangan para suspendehin ang dagdag-buwis alinsunod sa TRAIN law.
Pero binawi ito noong nakaraang linggo ng mga economic manager dahil sa pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Simula Enero, magkakaroon ng dagdag na P2 ang kada litro ng petrolyo. Ibig sabihin, magiging P4.50 ang kabuuang excise tax sa diesel habang P9 naman sa gasolina.
Isa rin sa mga dahilan sa pagsuspende noon sa dagdag-buwis ay para makaagapay ang mga Pinoy sa inflation o iyong bilis ng pagtaas ng halaga ng mga bilihin at serbisyo.
Noong Setyembre at Oktubre, naitala ang 6.7 porsiyentong inflation rate, ang pinakamataas na rate sa loob ng siyam na taon. Pero noong Nobyembre ay bumagal na ito sa 6 porsiyento.
Hindi naman ikinatuwa ng isang transport group leader ang pagpapatupad sa dagdag-buwis.
"Kahit bumaba ang presyo ng langis nanatiling mataas ang presyo ng bilihin at serbisyo tapos dadagdagan mo pa ng another P2?" ani Piston President George San Mateo.
Nangangamba naman ang ibang transport group na lumiit pa lalo ang kanilang kita dahil sa dagdag-buwis sa langis.
Pero ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, mas malaki ang matatanggap na ayuda ng mga tsuper at operator ng jeep sa susunod na taon, na aabot sa P20,000, ngayong tuloy na ang dagdag-buwis sa langis.
-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, balita, konsumer, buwis, langis, petrolyo, gasolina, diesel, Benjamin Diokno, Pasang Masda, TRAIN Law, TV Patrol, TV Patrol Top, Jacque Manabat